231 Oponganon qualified na sa LLC-SPHE; FY 2027 youth budget pinaghahandaan na sa Lapu-Lapu

 


Nasa 231 na kabataang Oponganon ang pormal nang pumasa bilang qualified scholars para sa Lapu-Lapu City Scholarship Program for Higher Education (LLC-SPHE). Ito ang lumabas matapos ang ginagawang serye ng evaluation para sa unang dalawang batch ng mga aplikante sa lungsod.

​Kasabay nito, mabilis na kumikilos ang pamahalaang lokal para masigurong pondo at programa ang sasalubong sa mga estudyante para sa susunod na taon. Nagpatawag ng coordination meeting si Lapu-Lapu City Mayor Cindi King-Chan nitong Miyerkules, Setyembre 2, sa City Conference Room kasama ang Local Youth Development Office (LYDO) at ang Scholarship Program Committee.

​Naging pangunahing paksa sa pagpupulong ang panukalang Fiscal Year 2027 Budget para sa LYDO. Layunin ng nasabing pondo na palawakin pa ang mga programa, aktibidad, at opurtunidad para sa mga kabataan sa buong Lapu-Lapu City.

​Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ang scholarship program ng tuloy-tuloy na hakbang ng lungsod para mas madaling makatuntong sa kolehiyo ang mga kwalipikadong residente at maabot ang kanilang mga pangarap sa akademya.

​"Tiyakin natin na ang bawat piso sa proposed budget ay direktang mapupunta sa mga programang kailangan ng ating youth sector," pagbibigay-diin sa pulong kasama ang mga pinuno ng iba't ibang departamento.

​Dumalo rin sa mahalagang koordinasyon sina Atty. Misaellee Tejano (Secretary to the Mayor), SK Federation President at Chairperson on Youth Development Hon. Orlan Joseph Carungay na tumatayong Vice Chairperson, City Councilor Hon. Annabeth Cuizon (Chairperson on Education), at City Social Welfare and Development Office OIC Ma. Sheila Baylosis.

​Sa pamamagitan ng pagpupulong na ito, iginiit ng pamahalaang lokal na nakatutok ang kanilang mga pinaplanong resources sa aktwal na pangangailangan ng mga kabataang Oponganon.

Photo Credit / Source: Lapu-Lapu City Government / Public Information Office

Post a Comment

Previous Post Next Post