MAYNILA, Pilipinas — Tiniyak ni Manila Mayor Francisco "Isko" Moreno Domagoso ang patuloy na suporta at pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod sa kapulisan matapos ang ginawang courtesy call ng bagong Officer-in-Charge ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si PBGen. Christopher N. Abrahano.
Sa ginanap na pagpupulong sa Lungsod ng Maynila, nagpaabot ng pasasalamat si PBGen. Abrahano sa pamahalaang lungsod para sa walang patid na pag-alalay sa mga pulis sa pangangalaga sa kaayusan at seguridad ng Maynila.
"Sa parte namin, nagpapasalamat din kami sa suporta ninyo sa ating mga kapulisan," pahayag ni PBGen. Abrahano sa kaniyang pakikipag-usap kay Mayor Isko.
Inihayag din ng pinuno ng pulisya na malaking tulong ang mga hakbangin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila upang mapaigting ang kapayapaan at seguridad para sa bawat mamamayan ng lungsod.
Mabili namang pinalakas ni Mayor Isko ang paninindigan ng lokal na pamahalaan na tutugunan ang mga pangangailangan ng kapulisan upang higit pang mapalakas ang seguridad at matiyak ang kaligtasan ng mga Manileño.
"Rest assured, we will align ourselves with the national goal with respect to safe and security," diin ng alkalde sa naturang courtesy call.
(Ulat at larawan mula sa Manila Public Information Office)
