Budget ng Office of the President, Tapyas ng 64% para sa 2027; Recto, Tiniyak ang Tuloy-tuloy na Operasyon

 


Tuloy ang operasyon ng Office of the President (OP) kahit na tinapyasan ng 64 porsyento ang panukalang pondo nito para sa susunod na taon, ayon kay Executive Secretary Ralph Recto.

Sa datos na inilatag para sa 2027, nasa PHP10.15 bilyon na lang ang hinihingi ng tanggapan—malayo sa PHP28.03 bilyon na pondo nila nitong nakaraang 2026.

Paliwanag ni Recto, lumiliit ang budget dahil natapos na ang mga gastusin para sa pagho-host ng bansa sa ASEAN Summit nitong taon, bukod pa sa ginagawang pagsasaayos o streamlining sa 49 delivery units sa loob ng opisina.

“We are asking for less while remaining fully prepared to do more,” ani Recto sa inilabas na pahayag nitong Linggo.

Bagamat katumbas lamang ito ng halos one-seventh ng isang porsyento ng kabuuang PHP7.2 trilyong pambansang pondo, iginiit ng opisyal na sapat pa rin ito para sa araw-araw na trabaho ng Pangulo tulad ng mga pulong sa Gabinete, konsultasyon sa polisiya, at pag-uugnay ng mga ahensya ng pamahalaan.

Kabilang din sa paggagamitan ng pondo ang pagtugon sa mga sakuna, pag-abot sa mga mahihirap na sektor, pagbabantay sa ekonomiya, at pagtatanggol sa kapakanan ng bansa.

Kung susuriin ang alokasyon, ang pinakamalaking bahagi na PHP7.46 bilyon o 74 porsyento ay mapupunta sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE). Nasa PHP1.86 bilyon naman (18 porsyento) para sa sweldo at benepisyo ng mga empleyado, habang PHP839 milyon (8 porsyento) ang para sa Capital Outlay.

Nilinaw naman ni Recto na kahit mas mababa ang pondo, hindi ibig sabihin nito ay bababa rin ang trabaho ng tanggapan.

“Every day, the President’s schedule is full because the demands of governing do not pause. But activity alone is not our measure of performance,” dagdag pa niya, sabay sabing nakatutok sila sa resulta ng bawat biyahe, miting, at polisiya para makalikha ng trabaho, mamuhunan sa ekonomiya, at mapabuti ang serbisyo publiko.

Matatandaang noong Setyembre 1 ay inaprubahan na rin ng House Committee on Appropriations ang nasabing panukalang pondo matapos itong lusutan sa pamamagitan ng tinatawag na "inter-branch courtesy." Ayon kay Recto, dumaan sa tamang proseso ng Department of Budget and Management ang panukala at walang hininging espesyal na pabor ang kanilang tanggapan.

Post a Comment

Previous Post Next Post