Mga progresibong grupo sa Cebu, kinondena ang dispersal ng pulisya sa Colon Street
CEBU CITY — Kinondena ng mga progresibong grupo sa Central Visayas ang naging dispersal ng Cebu City Police Office (CCPO) sa kanilang kilos-protesta sa kahabaan ng Colon Street, Cebu City noong Nobyembre 16. Ayon sa mga grupo, ilang nagpoprotesta ang nasugatan at tinangkang arestuhin habang isinasagawa ang pagtitipon.
Batay sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Central Visayas at ANINAW Productions, isinagawa ang multi-sectoral protest kasabay ng pagbubukas ng ASEAN Summit. Layunin umano ng pagkilos na tutulan ang paglahok ng Pilipinas sa US-led Pax Silica initiative, ang pagpapalawak ng mga kasunduang militar ng Estados Unidos sa bansa, at ang napaulat na pagbisita ni US President Donald Trump.
Ayon sa human rights group na Karapatan Central Visayas, ilang raliyista ang nagtamo ng pinsala at nasa limang indibidwal ang tinangkang arestuhin nang buwagin ng mga pulis ang kanilang hanay. Dagdag pa ng BAYAN Central Visayas, gumamit umano ang mga pulis ng mga batuta at kalasag (shields) sa nasabing dispersal.
Iginiit naman ng BAYAN Central Visayas at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Cebu na ang Colon Street ay matagal nang makasaysayang lugar ng pagtitipon para sa mga manggagawa, magsasaka, at estudyante. Anila, ang kanilang pagkilos ay protektado ng Konstitusyon may permit man o wala.
"With or without a permit, the people's right to protest, assemble, and express dissent is constitutionally enshrined and must be respected. Instead, we are met with police intimidation and threats of arrest," ayon sa pahayag ng BAYAN Central Visayas.
Tinuligsa rin ng BAYAN Central Visayas ang napaulat na banta ng pagsasampa ng kaso laban sa kanila sa ilalim ng Batas Pambansa 880 (Public Assembly Act). Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Cebu City Police Office (CCPO) mula sa mga nabanggit na ulat hinggil sa naging operasyon at sa mga posibleng kasong isasampa.
Sources: Official statement from Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Central Visayas and report by ANINAW Productions (reported by Nico Booc).
📷: ctto
