Davao City — Umapela at naglabas ng matinding hamon si Davao City 1st District Representative Paolo "Pulong" Duterte kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla hinggil sa mgaakusasyon kaugnay ng umanoy flood control corruption noong nakaraang administrasyon.
Ito ay matapos ireklamo ng solon ang pahayag ng opisyal na tumutukoy sa Davao City bilang diumano'y "epicenter" ng anomalya sa mga infrastructure project.
Ayon sa opisyal na pahayag ni Rep. Duterte na inilabas sa kaniyang opisyal na social media page, binigyang-diin nito na bago magbitiw ng mabibigat na pahayag ang kawanihan, mas makabubuting busisiin muna ang mismong opisyal na records ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Isiniwalat ng kinatawan na hawak niya ang kumpletong listahan ng DPWH Region XI para sa mga nakumpletong proyekto mula taong 2020 hanggang 2022.
"Kung seryoso tayo sa paghahanap ng katotohanan, walang dapat piliing taon, pangalan, partido, o administrasyon," diin ng solon. Dagdag pa niya, naupo lamang siya bilang kinatawan ng unang distrito noong 2019, kaya't nararapat lamang na sakop ng anumang pagsusuri maging ang mga nakaraang taon bago ang kaniyang termino.
Giit pa ni Duterte, nananatili ang kaniyang tiwala sa integridad ng Office of the Ombudsman bilang tagapangalaga ng kaban ng bayan. Gayunpaman, napaalalahanan din nito ang mga awtoridad na huwag maging padalos-dalos sa mga pahayag habang gumugulong pa ang imbestigasyon upang hindi makompromiso ang kredibilidad ng institusyon. Tanong din ng solon, kumusta na rin ang mga pag-aaral at imbestigasyon sa mga flood control projects mula 2023 hanggang sa kasalukuyan, partikular na sa mga lugar sa Luzon na patuloy na nakararanas ng matinding pagbaha.
Quick Breakdown: Mga Tampok na Puntos sa Isyu
Ang Hamon: Hinihingi ni Rep. Pulong Duterte ang buong transkripsyon at opisyal na records ng DPWH sa lahat ng taon at proyekto nang walang pinipili o sinasanto.
Sakop ng Dokumento: Hawak ng solon ang DPWH Region XI list ng completed projects para sa mga taong 2020 hanggang 2022.
Panawagan sa Ombudsman: Huwag gawing "convenient villains" ang ilang personalidad habang nasa preliminary investigation stage pa lamang.
Tanong sa Kasalukuyang Admin: Pinalagan din ng solon ang sitwasyon ng pagbaha sa Luzon at inusisa ang status ng flood control funds mula 2023 hanggang kasalukuyan.
